Monday, May 4, 2009

Ang Kalye


Maraming naglipanang mga tao, sari-saring tao na makakasalamuha. Iisang mukha lang ang gusto kong makita, ang pagnanasaan kong makamit at makapiling ko sa habambuhay. Maraming magaganda sa kalye pero alangan naman akong lumapit at makipagkilala. Minsan sabi ng isang matanda, hindi hinahanap ang pag-ibig, kusa itong dumarating sa hindi inaasahang pagkakataon. Pero kailan? tumatanda na ako at may iilang puti na buhok sa aking ulo pero hindi ko pa naranasan ang umibig ng lubusan.

Isa nga siguro ako sa mga nakatadhanang tumandang binata na tulad ng ilan kong mga kaanak. Ngayon ko naintindihan na bakit sinasabi nilang hindi nila kailangan ang ibang taong di nila kaano-ano para alagaan. Kung mahirap naman sa puso na makasama ang isang taong hindi mo naman mahal mas maiging mag-isa at patuloy na nakikisalamuha sa tamang paraan at paglilingkod.

Ngayon naintindihan ko na bakit may kalye...

Thursday, April 16, 2009

Ang Bintana


"Naku! Hapon na at patapos na ang araw."
Nakadungaw si Angelo sa bintana habang pinagmamasdan ang papalubog na araw. Pagud ang isipan sa maraming bagay na nakasalamuha sa araw na iyon. Mga taong sakay ng bus patungo sa iba't-ibang lugar o panig ng mundo para sa pagpapatuloy ng kani-kanilang buhay. Tanaw ito mula sa bintana bagaman natatabunan ng malagong puno ng madre de cacao.
"Kailan kaya daraan ang aking pinakamamahal?"
Heto na naman si Angelo, kaya pala buakas ang bintana, patay ang ilaw para di mapansin na mayroong tinatanaw mula sa babaan ng bus.
"Bakit kase di ko malapitan at maisabi ang nilalaman ng aking puso... "
Ito lagi ang drama sa bintanang ito.

Maruming Plato


Galit na galit na pumasok sa kuwarto ni Angelo ang isang matandang lalaki na maputi na ang buhok. Kase naman, itinago ang platong pinagkanan sa ilalim ng mesa sa opisina. Hindi na maipagkaila ni Angelo na kagagawan nya ito, kagabi kase'y nagutom sya sa panonood ng pelikula sa kompyuter kaya't tumungo sya sa kusina at kumuha ng kanin, noodles at hotdog na pinaghalo sa isang pinggan. Nakalimutan nya namang ibalik sa kusina dahil sa antok matapos ang pelikulang pinanood. Nang umagang iyon na dapat sana'y hindi tungkulin ng matandang ito ang pumasok sa opisina ay naratnan ang maruming plato. Ano pa ang magagawa ni Angelo kundi tanggapin ang galit ng matandang ito. Isang platong marumi na naratnan sa opisina ang naging simula ng napakaraming salita ng matandang ito. Hindi na kumibo si Angelo dahil lalo pang hahaba ang salita ng matanda. Hindi lamang maruming plato ang paksa ng matanda, napadako na ito sa mga pobreng nasa lansangan, mga taong naghahanap ng trabaho, mga paring mayayaman na maraming Credit Cards, mga anak ng pari na nanghihingi ng suporta ng simbahan, mga baklang pari na nagdadala ng eskandalo sa simbahan, mga parokaynong walang pakinabang dahil puro imbalido at matatanda... ewan nga ba kung bakit ganito ang matandang ito na kapag makapagsalita ay tuloy-tuloy na sa kung ano-anong paksa na wala namang kinalaman sa ikinagagalit.

Ang Basong May Pinta ng Manok


Dumating sa isang Museo ang isang batang lalaki na ang pakay ay makakita ng mga di pangkaraniwang mga koleksiyon mula sa mga sinaunang tao. Napansin ng batang ito ang isang basong may pinta ng manok, parang may naalala siya sa basong ito... "Oo, ito nga ang basong ginagamit ni lolo noong siya'y buhay pa." Ito nga ang pumasok sa kanyang isipan, isa palang antigo ang paboritong baso ng kanyang lolo. "Ngeeks, ang basong ito ang pinandidirihan ko ay isa pa lang antigo..." Palibhasa'y ginagamit ng matandang ulyanin ang baso kaya pinadidirihan. Ngayon ng malamang antigo ang basong ginagamit ng yumaong lolo ay pinakaiingatan na at ayaw ng ipagamit sa iba. Ang natatanging isang yaman na iniwan ng pobreng lolo.

Panimula

Isang pagpupunyaging makapagsulat ng mga sulating Pilipino.